Former Faculty Regent Judy Taguiwalo's statement of support for Rolando Tolentino
Noong Lunes, Enero 31, dumalo ako sa Public Forum para marinig ang limang nominado para sa susunod na Chancellor ng UP Diliman.
Nabasa ko na ang mga vision paper at mga CV nina Drs. Azanza, Claudio, Guevara, Saloma at Tolentino na nakapost sa UP website. Matagal ko nang kilala si Dr. Claudio, Director ng University Center for Women’s Studies at kasamang propesor sa College of Social Work and Community Development. Si Dean Saloma ng College of Science ay isa sa mga hinahangaan kong siyentista at administrador ng UP batay sa karanasan ko sa University Council at sa UPD Executive Committee. Alam ko na si Dating Dean Guevara ay unang babaeng Dean ng College of Engineering at piyanista sa mga concerts ni Chancellor Cao at si Dr. Azanza nama’y kabilang sa 11 na nominado sa nakaraang pamimili ng Pangulo para sa UP.
Sa naturang public forum para sa mga faculty, ang sagot ni Dr. Roland Tolentino, kasalukuyang Dean ng College of Mass Communication, sa dalawang tanong na sinagot ng lahat ng mga nominado ang may malaking resonance para sa akin.
Sa tanong sa kung sino sa mga faculty/colleagues ang may malaking impluwensiya o nagbigay inspirasyon sa kanila, maiksi ang naging sagot ni Dean Tolentino. Binanggit niya sina Isagani Cruz at Nicanor Tiongson bilang dalawa sa mahuhusay niyang mga guro. Pero binigyan ni Dean Tolentino ng partikular na pagtatangi si Dr. Bien Lumbera dahil “tinuruan akong maging mabuting mamamayan.”
Malaman ang sagot na ito para sa nakakakilala kay Bien Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining, Professor Emeritus ng Unibersidad ng Pilipinas. Ang buhay ni Dr. Lumbera ay buhay na nag-umpisa sa toreng garil ng akademya (Fullbright scholar, PhD Comparative Literature, Indiana University). Sa pagbalik sa Pilipinas, pumanig si Dr. Lumbera sa makabayang kilusan, nakulong sa panahon ng batas militar, pinatalsik ng Ateneo de Manila bilang propesor. Ang UP ang tumanggap kay Dr. Lumbera at sa matagal na panahon sa pamantasan ng bayan, nananatili si Dr. Lumbera na nakapanig sa mamamayan. Mahihinuha ito sa kanyang mga akda, sa kanyang pagtuturo, sa mga estudyanteng ginabayan niya sa kanilang masterado at doktorado at sa patuloy na pakikisangkot niya sa mga pagkilos sa pamantasan o sa lansangan man.
Ang sagot ni Dean Tolentino sa tanong ukol sa “napapansing pangingibabaw ng Science at Engineering sa Diliman dahil sa rekurso na inilaan para sa kanilang mga sentro at ang paggamit ng mga pamantayang pang-science (international publications, quantitative assessments) kaugnay ng promosyon ng kaguruan”: palatandaan daw ito ng atomisasyon o pagkawatak-watak ng Diliman kung saan nagkakanya kanya na ang mga yunit at disiplina para magpalitaw ng mga rekurso at hindi na nakikita ang kabuuan gayong napakahalaga ng pagtutulungan ng iba't ibang disiplina ng pamantasan.”
Para sa nakakaalam naman sa naging kalakaran nitong mga nakaraang anim na taon sa UP, alam ang pagtindi ng pagkanya-kanya ng mga kolehiyo. Maluwag ang mga kolehiyo na may mayayamang alumni at/o nagpataw ng matataas na tuition para sa graduate programs. Ang may alam lang sa aktwal na kalagayang pampinansya ng Unibersidad ay ang mga nasa Quezon Hall. Nabago ang 1994 land use planng UP Diliman na hindi man lang natalakay sa UPD Executive Committee.
Ang dalawang sagot ni Dean Tolentino ay indikasyon kung saan patutungo ang UP Diliman sa kanyang panunungkulan bilang chancellor: ang unibersidad na ang kahusayan at kagalingan ay nakakawing sa paglilingkod sa sambayanan at ang pamamalakad sa isang Unibersidad na may pagmamalasakit sa kabuuan, hindi lamang sa kanya-kanyang yunit at sa pagkakaroon ng transparency sa katayuang pinansiyal at mga desisyon ng Diliman.
Hindi matatawaran ang academic credentials ni Dean Tolentino laluna sa larangan ng pagtuturo (hinirang na isa sa top 5 na guro sa Diliman nitong nakaraang taon batay sa nominasyon at boto mismo ng mga estudyante) at sa publikasyon (11 aklat na inakda o bilang co-editor mula 2000 kabilang na ang pagkapanalo sa Best Film Criticism Book noong 2001). Nahirang din siya bilang isa sa mga UP Artists. Internasyunal din ang pagkilala sa kanya. Naging Visiting Research Fellow ng Kyoto University, naging Distinguish Visitor ng UC Berkeley and UCLA Southeast Asian Studies Consortium at Visiting Fellow sa National University of Singapore
Pero di nagpapakahon si Dr. Tolentino sa gawaing pang-akademiko. Kasabay ng produktibong pagtuturo at pagsusulat, matingkad ang pakikilahok niya sa usaping panlipunan—pagsasabuhay sa diwa ng paging public university ng UP.
Bilang kagawad o Tagapangulo ng University Council Committee on National Policies and Programs, naging malaki ang kontribusyon ni Dean Tolentino sa pagbalangkas ng mga pahayag ng University Council tulad ng “ A Call for Greater State Subsidy” and “GMA Must Go”. Bilang Dekano ng CMC, pinangunahan ni Dean Tolentino ang pagtindig ng kolehiyo sa mga karahasan laban sa mga mamahayag tulad nang nagyari sa Maguindanao Massacre. At hindi nagwawakas doon ang kanyang pakikisangkot, kasama siya ng mga peryodista sa Mendiola para hilingan nag hustisya sa mga biktima ng masaker at kabahagi sa mga pagkilos sa loob at labas ng UP para igiit ang mas mataas na budget para sa Unibersidad at sa iba pang mga state universities and colleges.
Hindi rin nangimi si Dean Tolentino na tumindig sa isyu ni Sarah Raymundo at iba pang mga untenured faculty na hindi trinato ayon sa mga nakatindig na mga patakaran sa paggawad ng tenure sa Unibersidad ng Pilipinas.
Hindi na ako bahagi ng Board of Regents na mamimili sa susunod na Chancellor ng UP Diliman. Pero katulad ng ginawa kong batayan sa pagboto kay Alfredo Pascual bilang Presidente ng UP, ang vision statement at track record ang mapagpasya para sa akin.
Kinakatawan ni Dr. Rolando Tolentino ang dangal at galing ng Unibersidad na naglilingkod sa sambayanan. Kinakatawan ni Dr. Roland Tolentino ang pagtindig para sa demokratikong pamamahala sa Unibersidad sa panahong binawale wala ito ng mga nakaupo sa Quezon Hall. Kinakatawan ni Dr. Roland Tolentino ang isang uri ng inobasyon na magpapanatili sa UP bilang isang “public university” na naninindigan at may pananagutan sa serbisyong pampubliko.
Karapat dapat siyang maging Chancellor ng UP Diliman na mahigpit na katuwang ng ika-20 Pangulo ng UP sa pagtahak sa bisyon ng”Muling Pag-aakda ng Magaling na UP sa ika 21 Siglo”!
No comments:
Post a Comment