Ika-5 ng Pebrero, 2011
Isang maalab na pagbati!
Kami po ay ang UP Sining at Lipunan (UP SILIP), isang organisasyon mula sa Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon na naglalayong ipakilala at ipalaganap ang isang natatanging sining na nagmumula at para sa masa, gamit ang pelikula bilang isang pangunahing porma. Naitatag ang UP SILIP noong Marso 8, taong 2003 at mula noon ay patuloy na nagsasagawa ang mga miyembro nito ng mga gawaing makapagsusulong sa pang-kultural na interes hindi lamang sa mga mag-aaral sa loob ng unibersidad ngunit maging sa labas nito.
Nais naming magpahayag ng suporta kay Rolando Tolentino, dekano ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon, na mahirang bilang Chancellor ng Unibersidad ng Pilipinas. Sa halos walong taon ng UP Silip, instrumental ang naging papel ni Sir Roland bilang taga-payo ng aming organisasyon bago siya mahirang na maging dekano ng aming kolehiyo. Bukod rito, naipamalas hindi lamang sa mga mag-aaral ng kolehiyo ang galing at husay ni Sir Roland kundi maging sa mga mag-aaral mula sa iba’t ibang kolehiyo ng pamantasan. Sa kanya ring pagiging dekano, direktor ng Film Department ng UP Film Institute, patuloy niyang ipinakita ang isang mataas na kalidad ng pamamahala na may pangunahing pagtingin sa kapakanan ng mga mag-aaral, sa larangan pang-akademiya man o hindi.
Bukod sa kanyang track record sa larangang pang-akademiko, masugid din si Sir Roland sa pagkampanya sa mga isyu sa loob at labas ng pamantasan, at hindi iilang pagkilos ng mga mag-aaral, gaya ng pag-kondena sa Maguindanao Massacre, tuition fee increase at iba pa ang kanyang sinamahan at pinangunahan.
Hindi maaabot ng aming organisasyon ang walong taon na patuloy na pagmulat at pagkilos sa loob at labas ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon kung wala ang gabay ni Dekano Roland Tolentino, at dahil dito at sa mga nabanggit ng dahilan ay ibinibigay ng UP SILIP ang suporta sa kanya upang maging bagong Chancellor ng ating unibersidad. Panahon na upang magkaroon ng marapat na representasyon ang mga Iskolar ng Bayan sa Tanggapan ng Chancellor, at walang iba kung hindi si Roland Tolentino ang nababagay punan ang posisyong ito, para na rin sa ikauunlad ng mga Iskolar ng Bayan at ng buong komunidad ng Unibersidad ng Pilipinas.
Sumasainyo,
Rob Jara
Tagapangulo
UP Sining at Lipunan
(Signed)
Rob Jara
Miko Mendizabal
Lara Mendizabal
Charley dela Pena
Kenneth Castillo
Marcz Banaag
Emerson Lozano
Owen Berico
Deng Ponce
Astrid Agbayani
Aiess Alonso
Kathy Molina
Carlo Cielo
Viola Fule
Daena de Guzman
No comments:
Post a Comment