Letters of support and updates on College of Mass Communications Dean Rolando Tolentino's bid for UP Diliman Chancellorship

Sunday, February 6, 2011

Pagkilala at Pag-endorso kay Dr. Rolando B. Tolentino para maging susunod na UP Diliman Chancellor

Mahal na Lupon ng mga Rehente:

Mula sa pang-masang organisasyon ng League of Filipino Students – College of Mass Communication (LFS-CMC), kami ay buong diwang sumusuporta kay Dr. Rolando B. Tolentino sa kanyang pagnanais na iangat ang kanyang paglilingkod hindi lamang sa aming kolehiyo o sa unibersidad, kundi pati na din sa sambayanan, bilang susunod na Chancellor ng UP Diliman.

Hindi matatawaran ang kagalingan ni Dr. Tolentino, na mas kilala naming mga estudyante bilang Dean Roland, sa pangakademikong larangan. Kilala siyang iskolar at propesor ng pelikula sa aming kolehiyo. Matunog din ang kanyang pangalan sa aming mga estudyante sa dahilang ang kanyang mga akda ay ginagamit bilang batayang teksto sa maraming larangan katulad ng humanidades, sosyolohiya, panitikan, pelikula, politika at ekonomiya. Sa labas ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon, sa labas ng unibersidad, at maging sa labas ng bansa ay hinahangaan si Dean Roland bilang pinuno at miyembro ng pangakademikong komunidad.

Mayaman din si Dean Roland sa mga administratibong posisyon na mapaghahalawan niya ng mga karanasan sa demokratikong pamamalakad bilang susunod na Chancellor. Kahit sa kasalukuyang responsibilidad niya bilang Dekano ng aming kolehiyo, ay hindi nahadlangan si Dean Roland sa pakikisangkot sa mga isyung nagaganap sa unibersidad at maging sa lipunan. Mariin niyang ipinaglaban ang demokratikong karapatan ng iba’t-ibang sektor ng komunidad ng UP. Para sa aming mga estudyante, tumampok dito ang matapang na pagtindig niya at pakikiisa sa pag-martsa sa lansangan upang kundenahin ang mga di-makatarungan kaltas sa budget sa edukasyon. At bilang alagad ng media na aming hinahangaan, pinangunahan ni Dean Roland ang aming kolehiyo para kundinahin ang pagsupil sa mga boses ng mga mamahayag kabilang na ang kawalan ng katarungan sa mga biktima ng Maguindanao Massacre.

Sa mga kadahilanang ito, naniniwala ang aming organisasyon na karapat-dapat na maging susunod na Chancellor ng UP Diliman si Dr. Rolando B. Tolentino. Isa siyang tunay na alagad ng media na kumakatawan sa di-mapantayang kahusayan sa maraming larangan. Higit sa lahat, taglay niya ang kamulatang hindi nahihiwalay ang bawat isyu sa isa’t-isa at bawat sektor sa isa’t-isa. Tulad namin, naniniwala siya sa bisa ng kolektibong pagkilos na siya namang tunay na paraan ng pagkamit ng ating mga demokratikong karapatan. Kailangan natin ng Chancellor na nakasandig at kaisa ng kanyang pinaglilingkuran nang masigurado ang tunay at demokratikong pamumuno.

Lubos na gumagalang,

Pangalan
Posisyon
Unit
Signature
Jake Coballes
Chairperson
CMC
(Sgd.)
Ershad Ibba
Vice-chairperson
CSSP
(Sgd.)
Jourdaine Bernardez
Secretary-General
CMC
(Sgd.)
Miko Gloria
PADEPA Officer
SE
(Sgd.)
Rochelle Porras
Member
CMC
(Sgd.)
Roselyn Correa
Member
CMC
(Sgd.)
Toby Roca
Member
CMC
(Sgd.)
Ericson Sayno
Member
CMC
(Sgd.)
Jenevieve Iligan
Member
CMC
(Sgd.)
Lau Quirimit
Member
CMC
(Sgd.)
Mikko San Deigo
Member
CMC
(Sgd.)

No comments:

Post a Comment