Letter of Support from UP alumnus Rep. Raymond Palatino of Kabataan Partylist
February 4, 2010
Lupon ng mga Rehente
Unibersidad ng Pilipinas
Ako po ay sumusulat upang ipaabot ang aking pagsuporta kay Dr. Rolando Tolentino na siyang nararapat na maging susunod na Chancellor ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Pambungad ng bagong administrasyon sa ilalim ni Noynoy Aquino ang pagpapaigting at higit pagsusulong ng mga neoliberal na patakaran sa edukasyon. Bagaman malaon nang pinatunayan na hindi ito ang nararapat na balangkas sa pagsasaayos ng sistemang pang-edukasyon ng bansa, walang pag-aatubiling pinagtibay ni Aquino ang nasabing patakaran sa kanyang unang panukalang badyet, kung saan kinaltasan ang maliit na ngang pondo ng mga pampublikong kolehiyo at unibersidad. Isa ang Unibersidad ng Pilipinas sa tumanggap ng pinakamatinding hagupit sa porma ng P1.39 bilyong pagbawas sa kanyang pondo. Malinaw ang tunguhin na nais ni Aquino para sa ating mga pampublikong pamantasan—na tuluyan nang tanggalan ang pamahalaan ng responsibilidad na pag-aralin sa kolehiyo ang mga kabataan, at ilipat sa pribadong sektor ang napakahalagang tungkuling ito.
Batid ng lahat ang mapaminsalang epekto nito sa ating mga pampublikong unibersidad. Sa Unibersidad ng Pilipinas, halimbawa, unti-unting winawasak ang pampublikong karakter ng institusyon bunsod ng sagadsagaring komersyalisasyon at pagsasapribado ng edukasyon sa lahat ng antas. Ang nagbabagong-bihis na pamantasan ay kinakatangian na ng walang humpay na pagtataas ng matrikula at pagpataw ng di-makatarungang bayarin, pagsandig sa income-generating na mga proyekto upang pondohan ang pangangailangan ng Unibersidad, di-makatarungang kalagayan ng mga pang-akademiko at di-pangakademikong manggagawa sa pamantasan, pagpasok ng interes ng malalaking negosyo sa pamantasan na sumasagasa sa karapatan at kabuhayan ng mga manininda at mga miyembro ng komunidad, at iba pang sulliraning mahusay na nailahad ni Dr. Tolentino sa kanyang vision paper na lapat sa tunay na kalagayan ng pamantasan.
Pinatitingkad ng kasalukuyang kinasasadlakan ng sistemang pang-edukasyon sa bansa ang pangangailangan ng progresibo at prinsipyadong pamumuno sa ating mga pampublikong kolehiyo at unibersidad. Hindi patumpik-tumpik si Aquino sa pagpapatupad ng mga maka-dayuhang palisiya na sumasagka sa interes at kagalingan ng mga guro, estudyante at mga kawani sa mga pampublikong pamantasan kaya't hindi natin kailangan ngayon ng mga administrator sa SUCs na tango lamang ng tango sa dikta ng nakatataas. Ang nararapat umupo at mamahala sa UP ay isang administrator na may komprehensibo at matalas na pagtingin at pagsusuri sa mga isyung kinahaharap ng pamantasan, isang kritiko na ang karanasan ay nakaugat sa pakikipaglaban at pakikibaka ng iba't ibang sektor sa pamantasan na matagal nang hindi pinakikinggan, isang bisyonaryo na may inihahapag na alternatibong binuo at hinalaw mula sa pinag-anib na teorya at praktikang nakatuon sa paglilingkod sa sambayanan.
Hindi na siguro maipagkakaila ang kahusayan ni Dr. Tolentino sa maraming larangan sa akademya—humanidades, sosyolohiya, panitikan, pelikula, politika at ekonomiya. Ang mayamang koleksyon ng mga sulatin, aklat, at artikulo ni Dr. Tolentino ay testimonya sa kanyang hangaring pag-ibayuhin at paunlarin ang diskurso hinggil sa mahahalagang aspeto ng ating kultura at pamumuhay. Sa ganang ito, malaki at maiaambag ni Dr. Tolentino sa muling pagbuhay at pagpapaunlad ng pananaliksik sa pamantasan—pananaliksik na hindi nakaayon sa dikta at kahingian ng mga korporasyon na banta sa pang-akademikong kalayaan sa loob ng pamantasan, kundi pananaliksik na mag-aanak ng mga kaalamang makaaambag sa tunay na pambansang pag-unlad at pagtuklas sa potensyal ng bawat indibidwal.
Masasabi kong sa maraming paraan, ang paglahok ng isang progresibong guro at manunulat tulad ni Dr. Tolentino sa seleksyon na ito ay hindi nalalayo sa pagsuong ng tulad kong aktibista at progresibong mambabatas sa larangan ng pulitika at lehislasyong pinaghaharian ng makakapangyarihan. Alam namin na ang mga sistema at prosesong nagpapatakbo sa burukrasya ay nilikha at pinapanatili ng mga nakikinabang sa kasalukuyang kaayusan. Alam naming kailangan naming umayon at makisabay sa ilang mga gawi at pamamalakad na nakagisnan. Ngunit nakatitityak akong hindi kailanman ikokompromiso ni Dr. Tolentino ang kanyang mga saligang paninindigan o isasantabi ang kanyang mga ipinaglalaban kahit pa maupo siya sa isang mataas na posisyon dahil una, ang pagsali ni Dr. Tolentino sa seleksyong ito ay hindi itinulak ng personal na ambisyon at pangalawa, mananatili siyang nakalubog at malapit sa kanyang mga paglilingkuran—ang mga estudyante, ang mga guro, ang mga mananaliksik, ang mga maliliit na taong malaon nang inilagay sa laylayan ng Unibersidad.
Ngayon ay panahon na kailangang pagtibayin ng Uniberidad ang kanyang karakter bilang isang pampublikong pamantasang naglilingkod sa samabayanan. Ang pag-upo ni Dr. Roland Tolentino bilang Chancellor ng UP Diliman ay isang malaking hakbang tungo sa dakilang layuning ito.
Lubos na gumagalang,
Raymond Palatino
Kinatawan, Kabataan Partylist
BA Education, UP Diliman
No comments:
Post a Comment