Letters of support and updates on College of Mass Communications Dean Rolando Tolentino's bid for UP Diliman Chancellorship

Tuesday, February 1, 2011

Pagkilala at Pag-endoso ng Katha (Pangkat ng mga Kuwentista) kay Dr. Rolando B. Tolentino na mahirang na UP Diliman Chancellor

Mahal na Lupon ng mga Rehente:

Matagal naming nakasama sa grupong pampanitikang Katha si Dr. Rolando B. Tolentino. Noong 1989 ay isang pangkat ng mga kabataang kuwentista sa Filipino ang Katha na may layuning isulong ang kapakanang panlipunan sa tulong ng kanilang sining.  Ganito pa rin ang misyon at bisyon ng grupo habang umaangkop sa nagbabagong kondisyon ng lipunan. Natutuwa kami at mabibigyan ng pagkakataon ang aming kahenerasyon na makapaglingkod nang higit na tuwiran sa kaniyang lipunan at kababayan.

Kabilang si Dr. Tolentino sa tagapagtatag na kasapi at unang pangulo ng grupo. Sa kaniyang pamumuno, nakapag-ambag ang Katha sa pagpapayaman ng panitikan at kulturang Filipino. Higit na makikita ito sa siyam (9) na antolohiya ng maiikling kuwento na nalathala mula sa taon ng pagkakatatag ng grupo at hanggang sa kasalukuyan.

Sa kaniyang matalisik na bisyon sa sining na Filipino, nakasabayan at sa maraming pagkakataon ay nagabayan niya ang isang henerasyon ng mga manunulat. Marami sa mga ito ang nakapaglathala na rin ng kani-kanilang mga publikasyon at hindi maikakaila ang sensibilidad na naibahagi ni Dr. Tolentino sa estilo ng panulat at sa pananaw-sa-mundong taglay ng mga naratibo. Habang nag-eeksperimento sa anyo at sa paksa, makikilala sa mga kuwento ang sensitibong pagsasaalang-alang sa kondisyon ng tao sa isang opresibo at madalas walang katarungang ugnayan ng tao sa tao. Ngunit naroon naman lagi ang kritikal na pag-unawa sa posibleng opsiyon upang makamtan ang pag-asa kundi ang mismong katarungan.

Kabilang ang produksiyon ng kuwento at pampanitikang teksto ni Dr. Tolentino sa kaniyang mapang-unawa at mapagpalayang  bisyon para sa lipunang Filipino. At kung nasa kaniyang imahinasyon ito sa una, sa ngayon ay mabibigyan siya ng kongkretong daan sa pagsasakatuparan ng mabubuting hangad para sa higit na nakararami sa konteksto ngunit hindi limitado ng pang-akademyang kaligiran.

Suporta at pagsusulong sa napapanahong paghihirang kay Dr. Rolando B. Tolentino, kuwentista at makabayang kasapi ng Katha, bilang Chancellor ng UP Diliman!


Romulo P. Baquiran, Jr.
Luna Sicat-Cleto
Rommel B. Rodriguez
Joi Barrios
Mykel Andrada

2 Pebrero 2011 

No comments:

Post a Comment