Award-winning writer and UP Diiliman Professor Rommel Rodriguez's personal essay on Rolando Tolentino and the bid for chancellorship.
Karaniwan, laging inihihiwalay ang pagiging malikhaing tao sa mga teknikal at gawaing kinasangkutan ng burukrasya. Kaya nga't hanggang maaari, maraming mga artista at manunulat na ayaw ang mga trabahong may kinalaman sa sistematisasyon ng mga proseso o dili kaya'y ang pagiging administrador, lalo na ng isang pamantasan. Ayaw niyang humawak ng kapangyarihan sapagkat batid niyang maaari itong maging dahilan ng kanyang pagkalugmok, hindi pa sa trabaho, kundi baka malusaw ang kanyang pagiging malikhain sa gitna ng mga gawaing may kinalaman sa pamamahalang administratibo.
Subalit dumarating din naman ang mga pagkakataon na nakikisangkot ang isang manunulat sa ganitong mga iniatas na tungkulin. Mahalagang batid niya na kaya niyang gampanan ang mga ito at matagumpay na maisagawa ang kanyang mga bisyon at misyon sa isang pamantasang pumupusturang umuunlad kahit ang totoo'y unti-unti itong nawawalan ng esensiya sa pag-iral. Sapagkat gabay niya ang malikhaing isipan at imahinasyon, sanay siyang harapin ang mga problemang kinasasangkutan ng unibersidad kung saan kailangan ng matinding pag-iisip ng mga posibleng solusyon.
Sa ganitong pananaw ko nakikita ang pagtakbo ni Rolando Tolentino sa pagiging Chancellor ng UP Diliman.
Sabihin mang personal, malaki ang naitulong niya sa akin upang maiposisyon ko ang aking sarili sa larangan at propesyong kinapapalooban ko ngayon. Isa siya sa mga gumabay sa akin upang tahakin ang mundo ng pagsulat at panitikan.Kabilang ako sa henerasyon kung saan siya ang naging guro sa mga kursong humubog sa aming intelektuwal at malikhaing kakayanan. Marami sa amin ang nagkaroon ng malinaw na perspektiba sa akademiya at buhay dahil sa kanyang mga payo, pangaral at matalinong pagtasa sa aming mga kahinaan at pagkukulang. Kung minsa’y namimigay siya ng libro, subalit mas madalas, mga aral ng buhay-estudyante at di naglaon, bilang guro, ang isinasalin niya sa aming kaalaman. Para niya kaming mga inakay na bago paliparin, tiniyak munang matibay ang aming mga pakpak.
Ngayon, nagsisimula nang palawakin pa ni Roland ang kanyang espasyo ng pamamahala. Kailangan ang mas malaking opisina para sa kanyang mga bisyon at misyon para sa pamantasan at buo nitong komunidad upang mas epektibo siyang makapagsilbi sa higit na nakararami. Dito natin matitiyak na ang bawat testimonya at suporta na ipinapakita ng mga tao mula sa iba't bang sektor ng ating pamantasa'y nagsisilbing mga patunay na karapat-dapat iluklok ang isang malikhaing administrador. Ito ang magsisilbing mga patunay na walang mangyayaring pag-abuso ng kapangyarihan at pananamantala sa igagawad na tungkulin.
No comments:
Post a Comment