Dean Roland Tolentino's vision presented at the forum of chancellor nominees, January 31, 2011, 9-12 nn, Malcolm Hall, University of the Philippines, Diliman
Mga kasapi ng Search Committee, mga kapwa guro at kaibigan,
Magandang umaga. At maraming salamat sa tiwala at pagkakataong makapaglahad ng bisyon ko para sa isang mas mabuti, magaling at kumakalingang UP Diliman. Ako ay fictionist at nagsusulat din ng creative non-fiction. Paratihan, para magkaroon ng bagong puwang sa literatura, kailangan ng inobasyon dahil hindi naman maaring muling imbentuhin ang matagumpay nang kalakaran sa pagsusulat.
Magaling ang UP hindi dahil sa simula pa lamang ay magaling na ang ating estudyante, fakulti, REPS at staff. Gumagaling at nagiging pinakamagaling sila dahil sa kalinga ng Unibersidad. Kung ang layon ay makapag-akda at makapaglikha ng UP para sa bagong siglo, kailangan muling tanawin at bigyan-diin ng UP ang kanyang tungkulin sa iskolar ng bayan at pambansang pag-unlad na may transparency, accountability at demokratikong pamamalakad. Ang mga ito ang mahahalagang kondisyon para yumabong ang kultura ng inobasyon sa hanay ng buong komunidad ng UP Diliman at magsusulong pa ng ating higit na kontribusyon sa pambansang pag-unlad.
Malinaw ang tungkulin ng Unibersidad sa bago nitong Charter, “[T]he University of the Philippines shall perform its unique and distinctive leadership in higher education and development.” Malinaw din sa kanyang Charter ang walong rasyonal ng kanyang pagiging Unibersidad, mga kadahilanan kung bakit kailangang umunlad ang UP bilang isang natatanging sistema. Mula sa mga rasyonal ako humahalaw ng mga programang magbibigay-diin sa kultura ng inobasyon na may pagsaklaw sa public at public service na Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.
- Publiko serbisyo na nagbibigay ng natatanging akademikong kagalingan at pamunuan maging sa affairs ng bansa, kasama ang bolunterismo, na may kabuluhan ang UP sa loob at labas ng kampus nito.
- Suporta at bagong programa para sa kahusayang akademiko na nakaangkla sa pambansang pag-unlad.
- Kondisyong liberal na magtataguyod ng diskusyon at pakikipagtalastasan, “to think outside the box.”
- Masiglang pananaliksik at pagbubukas sa UP Diliman bilang 24/7 center ng knowledge production, pati ang pagtiyak ng seguridad at amenidad ng paborableng environment ng pananaliksik.
- Rennaisance ng sining at kultura, maging ang suporta sa wika; pati na rin ang pag-aaral kung paano ang kampus at personnel nito ay magiging bukas sa mga taong may kapansanan, maging ang mga programang magtitiyak ng compliance sa Magna Carta of Women’s Rights.
- Pagpapahusay at pagpapaunlad ng skolarsyip, serbisyo at fasilidad para sa estudyante, kabilang din ang demokratisasyon ng akses sa admission at edukasyon sa UP.
- Mga sentrong multidisiplinaryo na maghihikayat ng kolaborasyon sa mga cluster, kolehiyo at instityut.
- Kapakanan at karapatan ng fakulti, REPS at staff, kasama ang pantay na benefit package, pagpapaunlad ng housing at health care plans.
- Pagtataguyod recreation at training fasilities para ang sports ay maging bahagi ng buhay UP, pati na rin ang pagpapaunlad ng mga programa at forum para sa nasyonalismo at pambansang identidad.
- Pagpapatibay ng higit na ugnayan ng UP sa mga institusyon at unibersidad sa loob at labas ng bansa, pati na rin ang pagtustos sa membership fees sa professional organizations nang mahikayat mag-assume ng leadership role ang fakulti sa mga ito.
- Demokratikong pamamalakad na maglilinaw ng ugnay at demarkasyon ng mga kapangyarihan at responsibilidad, pati ang kultura ng konsultasyon, at pagtataguyod ng malinaw na proseso ng grievance.
- At ang napakahalagang suporta mula sa ating alumni, at ngayon, ang suporta ng Unibersidad para sa kanyang alumni.
Napapanahong paunlarin ang kultura ng inobasyon dahil sa ilang naging pagkaunlad ng UP na tila nagpawalay sa diwa ng kanyang bagong charter. Mabilis na nakakasabay ang ilang mga pribadong unibersidad, at marami pa ang naghahabol, sa kalidad at lawak ng kagalingan ng UP: Mayroon na rin silang mga kampus na nakapaloob sa kanilang system, mabilis ang kanilang inobasyon ng mga kurso at pamamahala, at malawak ang kanilang ugnayan sa iba’t ibang institusyon sa loob at labas ng bansa. Marami ring pag-aaral—kahit na problemado ang mga ito—na nagsasaad ng pagbaba ng ranggo kundi man katayuan ng UP sa kanyang mga kahanay sa global na larangan. Dagdag pa rito ang ilan pang kaganapan sa UP tulad ng atomization ng mga kolehiyo ng Diliman, kasama na ang kanya-kanyang paghagilap ng resources para sa kanya-kanyang kagalingan; ang bagong class requirement ng mag-aaral sa UP, na hindi na lamang may talino kundi kinakailangang may-kaya na rin; ang disbentahe ng kawani at REPS sa benefit packages ng fakulti; ang kawalan ng grievance process para sa tenyur at promosyon; ang kakulangan ng enabling conditions para sa mga junior na fakulti, at ang maraming pagkakataong hindi nabibigyan ng dagdag na responsibilidad ang mga kwalipikadong senior na fakulti dahil sa parokyalismo ng mga namamahala; ang ugnayan at demarkasyon ng kapangyarihan ng governing units; ang lapat ng neoliberalismo o ang praktikal at ideolohikal na pagbibigay ng pribilehiyo ng pribadong negosyo at pamilihan sa pamamalakad ng Unibersidad gayong serbisyong publiko ang dapat na katangian; at iba pa. Ang mga ganitong pag-unlad ang nakakapanghati sa solidaridad na inaasahan sa UP.
Bagama’t kailangang magpursigi ang UP sa kanyang motto ng karangalan at kahusayan (“honor and excellence”) kailangang nakaangkla ang mga ito sa serbisyo publiko, transparency at demokratikong pamamahala. Sa aking palagay, walang dangal at husay na tunay na mapapaunlad kung hindi ito nakaugat sa paglilingkod sa bayan, sa malilinaw na mga proseso at sa demokratikong pamamahala sa Unibersidad. Sa pamamagitan ng tunay na paghalaw sa diwa ng “skolar ng bayan,” na may akawntabilidad sa mamamayang tumustos sa pag-aaral at sa pagtatapos ay ang etikang gagabay na ang kanyang gagawin ay para sa interes ng bayan, tunay na yayabong ang natatanging tatak UP. Ito ang inobasyon at paninindigang, nananatiling makabuluhan at hindi matatawaran.
Maraming salamat sa inyong pakikinig.
No comments:
Post a Comment