Letters of support and updates on College of Mass Communications Dean Rolando Tolentino's bid for UP Diliman Chancellorship

Sunday, February 6, 2011

Letter of support from Nelson Nava PI. Turgo, PhD, Cardiff University

Sa mga kinauukulan,

Sinusuportahan ko po ang kandidatura ni Dr. Rolando B. Tolentino bilang chanselor ng UP Diliman.

Hindi ko masasabing matalik kong kaibigan si Dr. Tolentino. No. Kakilala ko lamang siya bunsod ng aming mga kaibigan – kaibigan ko ang ilan niyang kaibigan. Kakilala ko din siya bunsod ng kanyang mga nasulat, maraming mga sanaysay, aklat at maikling kuwentong naghawan ng mga landasin sa rurok ng iskolarship na Filipino sa iba’t ibang larangan. Naging guro ako sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng UP Diliman sa mga panahong lumipat naman siya ng ibang kolehiyo. Magkagayunpaman, lagi’t lagi rin kaming nagkakadaupang-palad bunsod ng maliit na mundo ng akademya, ng UP Diliman, Small world, ika nga ng nobela ni David Lodge.

Naniniwala ako sa kakayahan ni Dr. Tolentino na lalo pang mapahusay ang kalagayan ng UP Diliman, ang kinikilalang flagship campus ng UP System. Malaki ang hamon sa uupong chanselor. Lahat ng sektor ng unibersidad ay gustong mabigyang pansin ang kanilang kalagayan. Bilang guro ng unibersidad, nananangan ako sa paniniwala na itataguyod ni Dr. Tolentino ang kapakanan ng mga guro, may dignidad na sahod (yung sa kabila ng pambayad sa bahay at pambili ng pagkain, may matitira pa para pambili ng aklat, pampanood ng sine at pambayad sa bakasyon), pagkilala at pagpapahalaga sa mga produktibo at de-kalidad na guro at mananaliksik at pagtiyak na yaong may karapatang magturo lamang sa unibersidad ay yaong pinakamahusay sa kanilang larangan.

Para sa mga kagaya kong batang guro at ilang taon ding nawalay sa unibersidad, sa aking pag-uwi at pagharap sa reyalidad na hindi kayang sumapat ang kita sa UP sa uri ng buhay na aking naranasan sa ibang bansa, ang tanging konsolasyon lamang  ay yaong sa aking pagbabalik, may simbuyo at alab ng kahusayan, integridad at ideyalismo ang aking uuwiang unibersidad. Pinanghahawakan ko ito sa aking pagbabalik sa Unibersidad ng Pilipinas at naniniwala ako na ito ang kakatawaning pamumuno ni Dr. Rolando B. Tolentino.

Sumasainyo,

Nelson Nava PI. Turgo, PhD
School of Social Sciences
Cardiff University
Wales, UK

No comments:

Post a Comment